Thursday, June 18, 2009

Independencia, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

Independencia

Malaki ang interes nang unang ipalabas ang Independencia (2009) ni Raya Martin. Mahaba ang pila sa sinehan sa Shangrila. Marami ay pumila nang apat na oras. Halos magkagulo nang mabalitaang kaunti lamang ang tiket na laan para sa publiko.

Ito ang unang pelikulang Filipino na pinondohan ng gobyerno ng France. Unang pelikulang Filipino rin itong kasama sa line-up ng Un Certain Regard ng nakaraang Cannes Film Festival. Sa katunayan, dalawa ang pelikula ni Martin sa Cannes ngayong taon, kasama ang Manila nilang tambalan Adolfo Alix, Jr. para kay Piolo Pascual. Noong nakaraang taon, kalahok naman ang Now Showing niya (2008).

Sa nakamit na ni Martin sa kanyang edad, siya ang lumalabas na frontliner ng kanyang henerasyon na brat pack na indie filmmakers. “Brat pack” dahil hindi handang magkompromiso ng kanilang independienteng estetika ng sining at pelikula. Hindi kaiga-igaya ang kanilang mga pelikula, mahirap itong maintindihan, namumutiktik ng referensiya ng kasaysayan ng mismong pelikula, kaya hindi lubos na accessible sa maraming manonood.

Kasama sina Khavn De La Cruz, Sherad Sanchez at John Torres, si Martin ay pinapalaot sa feature-length ang konseptual na pelikula ukol sa formasyon ng bansa. Si De La Cruz ay ukol sa modernong kwento ng bansa; si Sanchez, ang spesifikong sityo ng Mindanao sa bansa; si Torres, ang autobiographical sa pambansang kwento; at si Martin, ang transformasyon ng medium ng pelikula sa pagsasabansa.

Sa Cannes’ blog, ipinaliwanag ni Martin ang kanyang estetika: “Formally Independencia mimics the esthetics of studio films during the American occupation, whereas the story focuses on the resistance during the same period. The idea was to expose the Hollywood substrate and subvert it to redefine our struggle. The fake newsreel in the middle of the film is a good example: it is based on the true story of an American and the death of a local boy. This segment is similar to the intermission that we had in the theatres at the time.”

Tinalakay sa Independencia ang mabilisang transformasyon ng teknolohiya ng black-and-white na pelikula—isang medium na kinasangkapan ng kolonialismong Amerikano--at ng naudlot ng pagkabansa. Sa kalagitnaan ng gabi, tumakas ang ilustradang mag-ina (Techie Agbayani at Sid Lucero) patungo sa gubat. Namuhay sila roon sa abot ng kanilang makakaya. Biglang may inuwing walang malay na babae (Alessandra de Rossi) ang kanyang lalakeng anak. Biglang namatay ang ina.

Biglang buntis ang babae, nanganak at lumaki ang sanggol. Biglang bumagyo. Biglang magkahiwalay na namatay ang mga magulang nito. Biglang dumating ang Amerikanong sundalo sa gubat, kasama ng lokal na giya. Biglang tumakas ang bata. Bigla tumungo ito sa tuktok ng bundok, at biglang pumula ang damit na suot nito. Biglang tumalon ang bata sa bundok, at biglang pumula ang silangan.

Ang empasis ng pelikula ay hindi sa masinop na motibasyon ng komersyal na pelikula, na siya ring malakas na daluyan na mini-mimic ng kasalukuyang indie cinema na nangangarap maging mainstream. Sa agaran at walang patumangging pamumukadkad ng salisalikop na direksyon kwento ng Independencia, naipapaloob nito ang usapin ng simulain at pagkaunlad ng medium ng pelikula sa kalakaran ng persepsyon ng mundo, kasama ang bansa.

Mula sa simulain ng pelikula, ang stilong walang camera movement (ang aktor ay labas-masok sa mga eksena), ang mahika ng dating bagong medium (tulad ng pagpapakita ng balloon na naglalaman ng panaginip ng mga tauhan), ang mis-en-scene na pintadong telon ang foreground, hand-coloring ng bawat frame, at preferensiya sa studio setting ay nagsasaad ng ibang mundo at pagmumundo ng pelikula—ang kakayahan ng simulain ng pelikula na dalhin at itransforma ang historikal na mundo ng manonood-mamamayan sa mundong ipinapaloob sa kanila—Hollywood, imahen, imperialismo.

Modernista itong self-referentiality ni Martin: ang kritika ng medium ng pelikula bilang kritika ng pagsaklaw pati ng nasa labas nito—ang pagtatagumpay ng fantasya ng imahinaryo (natratransforma nga ba ang manonood?) sa tunay o historikal. Poetika ang gamit ni Martin para sa self-reflexive mode na ito: tulad sa talinhaga, marami itong pakahulugan, liban sa aktwal na sinasambit nito.

Pagpupula ng silangan, biglang pagpasok ng eksenang nagkakakulay ang saplot ng bata, pagtalon ng bata sa bangin, pagbaligtad ng damit nang maligaw, ang Independencia ay tungkol sa pagwalay at pagtumbok, pagpasok at pagsara, pagkilos at pag-udlot, pagbuo at pagwatak sa bansa, ng kasiyahan at pighati sa pelikula. Ang flatness ng pelikula ay nagtatago sa mga struktura at antas ng pakahulugan nito.

Kaya overkill na ipinalabas ang pelikula sa araw ng kalayaan. Mas inisip ko pang angkop na self-referentiality ng pelikula ay ang tunggalian sa Con Ass (Constitutional Assembly), na muli na namang nagbibigay ng kapangyarihan sa politiko at naghaharap sa bansa sa pagkawatak-watak nito sa milyon-milyong piraso, na ang protesta ng Independencia ay hindi natitinag sa edad ng mapang-abusong paghahari ng iilang lalong nagpapailanlang sa bansa sa imperialistang globalisasyon.

No comments: